wargames
Sunday, February 19th, 2006Nakita ko yung picture ng isang dati kong kaklase sa college naka-suot sya ng fatigue, naglalaro yata ng wargames o kung ano mang usong laro sa Pinas na kung saan naglalaro ng barilan ang mga matatanda. Wala lang, para akong naiinggit. Sana lahat lang ng ito ay isang laro lang.
Karamihan sa mga kaibigan ko dito eh nanggaling na sa Iraq. Karamihan sa kanila beterano na sa giyera. Salamat na lang at lahat sila nakauwi ng walang kagalos-galos… pwera lang sa isa na nasawi. Sana wala ng sumunod na mapahamak. Meron akong nabalitaan na isang kaibigan ng tropa na nasabugan ang Hummvee nila ng IED, halos kalahati daw ng katawan nya nasunog, salamat na lang buhay pa sya. Sana wala ng masaktan pa sa aking mga kaibigan.
Sana isang laro lang ang lahat. Parang baril-barilan lang katulad ng bata pa lang tayo na pagkatpos ng laro eh uuwi tayong lahat at kinabukasan eh magkabati pa rin ang mga naglalaro.